Lengguwahe mo, lengguwahe ko, barumbado ka, lalo ako!

SA aming YouTube Channel- BITAG Official, ‘yung video na may pamagat na “Sapakin kita dyan! Dibdiban kaya kita? Ba’t sinaktan mo tao mo?”, umani ng iba’t ibang reaksiyon.

Marami ang natuwa at nanggigil sa kausap ko sa tele­pono, sigurado akong sila ‘yung mga dati na naming taga­subaybay.

Meron namang mga nayabangan sa akin at tinawag pa akong maangas at hambog. Malamang, ngayon lang nila nakilala ang BITAG at nakapanood ng aming mga palabas.

Mga boss, linawin ko ang istorya, baka kasi ako lang ang nakita ng ilan at hindi inintindi ang dahilan ng problema kung bakit ganun ang aking inasal.

Ang reklamo ng guwardiyang lumapit sa amin, pananapak, pandidibdib, pagmumura, paninikmura at pana­nadyak ng kanilang commanding officer.

Nangyayari raw ang pananakit ng commander sa tuwing may male-late, may a-absent o may magagawa silang kahit konting pagkakamali. Sa una, iisipin mong istrikto si commander, it’s just a disciplinary action.

Pero teka, tama ang layunin, mali ang pamamaraan. Dagdag pa ng sekyung nagrereklamo, anim na taon na ang mga pananakit na ito, marami nang umalis at nag­dusa na lamang ng tahimik.

Ang pagbabanta ng commander sa kanyang buhay ang nagtulak para siya lumapit sa BITAG Action Center. Sabi nga, once is enough, twice is too much, third is poiso­nous and 6 years is real deadly.

Agad ko namang tinawagan ang nirereklamo, nagpanting ang tenga ko nang mangatwiran siyang hindi raw siya nananakit, nasapak lang niya ang kanyang sekyu.

Ano ba ang inaasahan n’yong magiging reaksiyon ko sa taong hindi man lang umaamin sa kanyang pagkakamali, not even feeling sorry for what he did? Pakiusapan ko? Magmakaawa ako at umapelang ‘wag nang saktan ang kanyang mga sekyu?

Hell no! Para maging malinaw ang mensahe ko kay commander, sinalita ko lang ang lengguwaheng ginagamit niya sa mga tauhan niya kaya siguradong maiintindihan din niya ito.

Mabuti nga’t sa telepono lamang kami nagkaengkuwentro kaya hindi na kailangan ng physical contact. Ang gusto kong maintindihan ng mga katulad nitong butangerong commander, walang karapatan ang sinuman na manduro at mang-api ng kapwa lalo’t paulit-ulit!

May hangganan ang kalupitan at pang-aabuso sa kapwa, lalo na kapag naiparating sa amin ang sumbong ng mga biktima. Maaaring kaangasan o kayabangan nga ‘yun but then hey, I don’t really care what others think about me.

Ito ang sinumpaan kong trabaho, eto ang kakayahang ipinagkaloob ng Diyos sa akin at eto ang pamamaraang serbisyo publiko ng BITAG para makatulong sa kapwa. Kaya may bayag akong sabihing kami ang “pambansang sumbungan!”

Para doon sa mga nagsasabing hanggang telepono at pananakot lang ako, manood na lang kayo ng mga palabas namin sa YouTube at sa PTV4. Dokumentado lahat ng trabaho namin, hindi ko kayo kukuwentuhan dito,

Komento, reaksiyon, sumbong? Magmensahe lang sa bitagkilospronto@gmail.com o sa mga Facebook pages namin sa Bitag Live, Bitag Multimedia Network, Bitag New Generation at Kilos Pronto. Mag-subscribe sa aming YouTube TV Channel – Bitag Official para mapanood ang iba pa naming palabas at trabaho.